Know what you want. Make a commitment for it. Go get it.


Home » Post Item » Sana

Sana

April 22, 2009

Halos tatlong taon din ang panahong lumipas na wala tayong komunikasyon. At ang naaalala ng kupas ko nang memorya ay isa ka sa mga mortal kong kaaway noong nasa hayskul pa tayo.

Inis na inis talaga ako sa iyo nun. Tanda ko pa nga nung kaupo kita sa first quarter nung fourth year pa tayo. Para tayong tubig at mantika, “completely immiscible”. Pareho tayong lagpas sa linya sa arrangement ng mga upuan dahil sa gawa nating gap. Magkalayo nga ang mga upuan natin pero lagi’t lagi pa rin naman tayong nagkakasagutan, nagbabangayan, nag-aaway. Walang humpay ang paglagay ng bag sa upuan-paglayo ng upuan mula sa isa’t isa-hindi pagkibo-paggawa ng pareho nating sariling mundo gamit ang gap ng mga upuan natin bilang boundary natin mula sa isa’t isa. At kapag nagkasalubong na ang ating mga mata, siguradong away na.

Ang bawat inis na pakiramdam natin ay may kalakip na sumbong sa titser. Kaya kung gaano katindi ang inis natin sa isa’t isa. ganun din kadalas ang pagsusumbong natin at ang pagdiin ko sa ‘yo at mo sa akin sa titser natin. Hanggang sa mapagod na ang tenga ni Ma’am Hoggang sa mga sumbong na gawa natin pareho. At sa wakas, nilipat ka niya  at binigyan ako ng bago kong kaupo. (Well, sorry ka kasi mas gusto ako ni Ma’am Hoggang).

Pero hindi sa pagkakalipat mo ng upuan at pagkakaroon ko ng bagong kaupo natapos ang bangayan natin. Dahil hindi man tayo magkaupo gaya ng dati, madalas pa rin tayong mag-away dahil sa pagiging pasaway mo sa akin bilang isa sa mga class officer sa klase natin (authoritarian?). Kaya kahit katapusan na ng hayskul lyf natin ay nag-away, nagkainisan at nagkasagutan pa rin tayo. 

Ang taba mo pa nun. At higit sa lahat, ikaw ang pinakaweird na lalaki sa mga kaklase natin. (Oops, teka lang. May bigla akong narealize sa pinakaweird na babae. Ehm…?) Isa ka nun sa mga taong hindi ko maispel. At dahil inaamin ko namang libro at notebuk lang ang mundo ko noon, hindi ko na inattempt na iispel ka.

Oo. May ilan tayong pagkakapareho. Loner ka, loner din naman ako. Pareho tayong tahimik kung wala sa mood. At pareho din naman tayong maingay kapag tinutopak. Pero hindi talaga tayo nun magkasundo.

Pagkatapos ang tatlong taon, muli kang nabuhay sa mundo ko. In fairness, hindi talaga kita nakilala.  At nashock naman daw ako. Kasi naman, ni sa panaginip, hindi ko inisip na mas papayat ka pa sa akin. Akala ko hindi ikaw yung klasmeyt ko at akala ko, ikaw yung bunso mong kapatid.

Kaya dedma.

Pero hindi ko lang alam kung nagpapapansin ka lang sa akin para marealize kong ikaw nga ang klasmeyt na kinaiinisan ko nun. Kaya unti-unti kong naconfirm na ikaw nga yu. (Hayop ka! Hindi ka man lang nag-initiate na magpakilala sa akin).

Halos magdadalawang buwan na tayong nagdededmahan. Sa lahat ng klasmeyt natin, ikaw lang ang dinededma ko sa tuwing nagkakasalubong tayo.

Kung paano ko uumpisahang buwagin ang pader sa pagitan nating dalawa ay hindi ko alam. Magmula nung kumpirmado ko ngang ikaw yan, excited na akong kamustahin ang buhay mo.

Kung bakit at paano ka pumayat ng ganyan. Kung bakit ka naging mas responsable at paano mo natutunan ang sinseridad sa buhay.

Actually, matagal ko nang gustong makipagkamustahan. Ang salubungin ka ng “Hi klasmeyt!” sa tuwing magkakasalubong tayo sa umaga, ang pagtawanan nating pareho ang kababawan ng inis natin sa isa’t isa.

Ngunit bakit ganito. Yumuyuko ang ulo at umuurong ang dila ko kapag nandiyan ka na. Siguro dahil halos dalawang buwan kitang dinedma, dedma galore ka din sa akin ngayon.

Haaay. Karma nga naman.

Dapat ko na itong maresolve.

Kaya sana bukas, magawa na kitang ngitian at sabihin ang “Hi klasmeyt!”, Sana makapagkwentuhan na tayo.

Matagal-tagal din tayong halos araw-araw magkikita kaya ang pangit naman kung forever lang tayong magdededmahan.

Ngayon ko dapat isapraktika ang maturity ko.

Sana, magawa ko!

 

Posted by adventurousscribe at 1:32 pm | permalink

All comments are moderated. Your comments will not appear here unless approved by the blog owner. Thank you.

Add a comment