Tunay kasing hindi ko nasilayan ang unang letra’t mga linyang gawa mo
Ni hindi ko narinig ang unang bigkas mo sa salitang siyang una mong binasa
At ang unang himig na siyang una mong kinanta.
Pasensya na sa mga pagkukulang ko bilang ate mo
Sana’y maintindihan mo ang dahilan ng hindi ko paglagi sa bahay
Ang kawalan ko ng panahon upang makipagtawana’t makipaglaro
Sapagkat ako’y abala sa paghahanda sa mundong sa iyo’y aking ipapasa.
Saka na ang pasalubong kong tsokolate
Saka na ang ipinapabili mong laruan
Saka na ang pangarap nating matayog na bahay
Ang pagtuon ng panahon sa sistemang ating kinapapalooban ang mas mahalaga.
Sana’y maintindihan mo ang ate mo, bunso
Ako lama’y naghahangad ng mas magandang kinabukasan para sa ‘yo
Lagi man akong wala, nasa malayo
Ikaw ang dahilan ng lahat ng aking sakripisyo.
All comments are moderated. Your comments will not appear here unless approved by the blog owner. Thank you.