Know what you want. Make a commitment for it. Go get it.


Home » Post Item » KAPEtalista

KAPEtalista

May 7, 2009


           Ala-una na naman ng madaling araw. Tulog na ang kalakhan ng tao sa Asya pero andito pa rin ako’t dilat na dilat pa rin ang mga mata.

 

            Kapatid ni batman, pinsan ni drakula, pinaglihi sa aswang, kaibigan ng kuwago, laging kakwentuhan ni kuya tanod na rumoronda, tagatangkilik ng isang pitsel na kape sa isang upuan – in short, nocturnal!

 

            Actually, dapat na akong umiwas sa kape upang hayaang makapagpahinga ang aking pagod na utak kahit saglit lang. Kung iinom pa ako lagi ng kape na hindi lang isang tasa kundi isang pitsel, magiging bangag talaga ako. Pero hindi ko talaga kayang itakwil ang kape sa aking sistema. Ang sarap kaya ng kape, lalung-lalo na ‘yong barako!

 

            At naging epekto nga ng pagkahilig ko sa kape ay ang pagiging nocturnal. Mas nagiging aktibo ang aking mga brain cells pagdating ng gabi. Nagkakaroon ako ng ILOC o Increased Level of Consciousness sa oras ng kadiliman. Kaya ang dami tuloy sumasagi sa isip ko sa oras na ito.

 

            Mabuti na lang at may garden na may katabing light post ang apartment na inuupahan namin na pwede kong pagtambayan sa oras na gaya nito. Ayoko kasing laging nakukulong lang sa kwarto. Nakakatoxic kaya ‘yon. Gusto ko, kung nais kong mag-isip, nasa open space ako. Feeling ko, napakalayang maglakbay ng aking diwa. Gusto kong may mga halamang handang magbigay sa akin ng oxygen kasi kakailanganin ‘yon ng utak ko para sa mga malalalimang pag-iisip. Kung sa kwarto lang ako, sa lalim ko mag-isip baka ma-out of supply ang oxygen sa utak ko. Ayoko atang magkaroon ng hypoxia noh!

 

            Oo nga pala! Exam na naman namin sa susunod na lingo. Kailangan ko nang sabihan si Mama para maihanda na niya agad ang pamabayad ko ng tuition.

 

            Tulog na kaya si Mama, o baka naman nag-overtime na naman siya sa trabaho niya? Naisip ko tuloy, ilang magulang kaya sa Pilipinas ang katulad ni Mama na nagkakandakuba sa pagtratrabaho para lang makapagpatuloy sa pag-aaral ang kanilang anak gaya ko? Ilang estudyante pa kaya ang tulad kong laging kinakabahan kapag papalapit na ang examination week? Ilan kaya kaming mga estudyante na natatakot na hindi na maabutan pang malapatan ng aming mga ballpen ang mga test papers sa araw ng pagsusulit?

 

            Ilang mga magulang at mga kabataan pa ang mahihirapan dahil sa patuloy na pagtaas ng tuition fee? Kailan kaya titigil ang pagtaas ng tuition fee? Kailan naman kaya bababa ang mataas na tuition fee? Kailan makukuntento sa kita ang mga kapitalistang siyang nagpapatakbo ngayon sa mga eskwelahan? Kailan makakamit ng mga kabataan ang kanilang karapatang makapag-aral? Kailan magiging libre ang edukasyon para sa mga kabataang Pilipino?

 

            Waaaah…! Rapid mode na naman kung dumagsa ang mga tanong sa isip ko.

 

            Pahinga muna ako sa pagtatanong. Inikot ko muna ang aking mga mata sa garden. At ‘yon na nga, may kasama pa pala akong gising sa mga oras na gaya nito. Pinagdiskitahan ko muna ang mga langgam.

 

            Inobserbahan ko sila. Ang gandang panoorin ang mga langgam na nagtutulungan sa paghahanap nila ng pagkain upang masolusyunan ang problema nilang magutom. Bawat isa’y kumikilos, lahat ay mulat sa pangangailangan ng pagkakaisa upang mabaka ang problema nila sa kakulangan sa pagkain.

 

            Naisip ko tuloy ang mga kabataang estudyante. Kung ang lahat ng estudyante ay mulat sa kanilang karapatan sa edukasyon, hindi nila hahayaang kunin iyon ng mga kapitalistang nagpapatakbo sa mga eskwelahan sa kasalukuyan. Sama-sama silang maninindigan upang mapanatili ang kanilang karapatang mag-aral.

 

            Kung mangyayari iyon, wala nang magulang pa ang aabusuhin ang kanilang mga kalusugan sa pagtratrabaho. Wala na ding estudyanteng kakabahan sa tuwing papalapit na ang examination week, nag-aabang na sana’y dumating na ang perang pambayad sa tuition fee para makapag-exam.

 

            Kung makakamit ng mga kabataan ang kanilang tunay na karapatan sa edukasyon, tataas ang bilang ng mga makakatapos sa pag-aaral. Madadagdagan ng mga matatalino at magagaling na empleyado ang ating lakas paggawa. Unti-unting aahon ang ekonomiya nating lubog sa utang. Oh di ba? Masisiyahan ang lahat! Patunay lang yan na ang kabataan ang pag-asa ng bayan.

 

            Napasulyap ako sa relo ko. Alas tres na pala ng madaling araw. By hook or by crook, kailangan ko nang matulog. Maaga pa bukas ang pasok ko. 

Posted by adventurousscribe at 5:21 pm | permalink

All comments are moderated. Your comments will not appear here unless approved by the blog owner. Thank you.

Add a comment