Siya na naging pinakamasayang ama Nang bumuka ang iyong mga mata Sabay ng pag-iyak ng mumunti mong mga labi Silbi ng angkin mong tapang na magtagumpay.
Siya na hindi natinag ng kakulitan ng unang anghel Naging una mong kasama sa bawat halakhak At siyang nagpatahan sa ‘yo nang una kang lumuha Sining ng pagpapatingkad ng kulay ng buhay mo’y una niyang itinuro.
Siya na tiniis ang mabuhay mag-isa sa malayo Ngunit nanatiling kakampi,kaibigan at gabay mo Laging handang sa telepono sa iyo’y kumausap, mangamusta Nang marinig himig mong gamot ng kanyang pangungulila.
Siya na unang naghulma sa iyong kaisipan Ang nagmulat sa mura mong kamalayan Humubog sa iyong prinsipyo’t paninindigan Na siyang pinagmulan ng ating pagkakaibigan.
Siya na lalaking minahal mo higit sa lahat Ang amang matatawag na “teacher of life in disguise” At siya’y namaalam na Siya sa ngayo’y isa nang ala-ala.
Kagyat ng pag-alis niya’y kanyang iniwan Huling turo ng mapagmahal na ama Na panganay niya’y manatiling matatag Sa likod ng kalungkutan ng kanyang pag-lisan.
Alam kong masakit sa ‘yo ang maiwan Ngunit minsan, kailangang matuto sa paraang hindi inaasahan Ang patuloy na mabuhay nang walang takot at pag-aalinlangan Kasama ang mga kapatid at ginigiliw na ina Nang mas matibay, matapang at may pagmamalasakit sa isa’t-isa.
* alay sa kaibigang nawalan
All comments are moderated. Your comments will not appear here unless approved by the blog owner. Thank you.