Know what you want. Make a commitment for it. Go get it.


Home » Post Item » FUTURISTIC

FUTURISTIC

August 11, 2009

            Hindi naman sa excited na akong mamatay. Gusto ko lang pag-isipan kung ano ang mga ala-alang maiiwan ko sa mga tao kapag ako’y tuluyan nang nawala.

 

            Siguro, ganito nila ako maaalala:

Ø      Yung taong yun? Autistic ata siya. May sarili kasing mundo eh. Hindi siya mahilig sumunod sa trend. Madalas din siyang sumasalungat sa dominanteng opinyon ng karamihan. Kahit na walang nakikinig at pumapansin sa kanya o di naman kaya’y minamata at pinupuna ng mga tao ang personalidad niya, ginagawa pa rin niya ang mga bagay na ayon sa kanyang lohika ay mas makabubuti.

Ø      May pagkamasukista siya. Hindi siya natatakot masaktan mula sa kanyang mga pagkakamali. Hindi siya nag-aalinlangang baka muli na naman siyang madapa. Hindi ko alam kung pain intolerant lang siya o talagang insensitive lang. Nagtataka nga ako kung anong klaseng natural anesthetic meron siya.

Ø      Sabi nila, may utak daw siya. (Tenk yu beri mats!)*

 

Sana, maalala rin nila ako nang ganito:

Ø      Isa siyang taong nagmahal. Mahal niya ang kanyang sarili kaya niya pinatalas ang kanyang pag-iisip. Mahal niya ang kanyang pamilya kaya kahit na natatakot siyang masaktan mula sa pagkabigo niya sa pag-abot sa kanilang mga pangarap, sinusubukan niyang maging matapang at matatag upang patunayan ang pagmamahal na iyon. Mahal niya ang kanyang kapwa kaya hindi siya nagpapatinag sa mga mapanlinlang na nasa kapangyarihan. Ganito niya minahal ang kanyang buhay.

 

Sa paraang ito gusto kong maalala ng mga tao.

 

May kaibigan akong nagsabing wala daw akong karapatang magsalita tungkol sa pagmamahal dahil kahit na minsan, hindi ko pa nasubukang umibig. Ang sagot ko naman, hindi nakukulong ang pagmamahal sa romantikong relasyon. At siya ang mas walang karapatang magsabi ng mga bagay tungkol sa pagmamahal dahil sa buhay niyang makasarili na ginupo ng sakim niyang kahinaan.

Posted by adventurousscribe at 4:48 pm | permalink

All comments are moderated. Your comments will not appear here unless approved by the blog owner. Thank you.

Add a comment