Sila’y naiiba sa pangkaraniwang mindless games sa kompyuter.
Bukod sa tinatanggal nila ang stress sa iyong buhay, tinuturuan ka din nila kung paano magbudget ng panahon at para magplano ng magagandang istratehiya upang makapaghanap agad ng trabaho, ang maging sociable upang laging makakonek sa mga magpapaani o magpapaararo, at ang magsumikap upang sa huli’y makamit ang inaasam-asam na paglelevel-up.
Nakatutuwang isipin na marami na sa atin ang nahuhumaling sa mga larong Farmtown, Farmville at Plants vs. Zombies.
Farmtown vs. Farmwille
Ang Farmtown at Farmville ay parehong laro sa sikat na Social Networking Site na Facebook. Ang pagsasaka ang pangunahing tema ng mga larong ito.
Kung social networking ang magiging basehan, mas malawak ang sakop ng Farmtown. May marketplace kasi dito kung saan mo pwedeng ibenta ang iyong sarili este, pwedeng magmakaawa sa mga estrangherong napapadaan dito upang mabigyan ka ng trabahong maaaring pag-aani o pag-aararo. Dapat kang maging mautak sa pagpwesto sa market place. Dapat sa lugar na madali kang makita gaya ng sa tabi ng orange stand ka dapat tumayo upang mapansin ka agad ng naghahanap ng tagapag-ani o tagapag-araro (experience-based ito!). Sa market place din masusubok ang convincing powers mo upang hagilapin ang mga magpapaani o magpapaararo.
Limitado lang sa mga kaibigan ang sakop ng social networking sa Farmville. Gayunman, nasisiguro naman nito ang katangian ng pagsasamahan ng pagkakaibigan ng mga manlalaro sapagkat wala silang maaaring asahan kundi ang isa’t-isa sa pag-asenso sa mundo ng Farmville. Sa Farmtown naman, kung gusto mong yumaman nang mas mabilis, piliin mong mbuti ang iyong kaibigan. Dapat mong imbitahin ang mga kaibigang loyal at dedicated sa paglalaro ng Farmtown, yung taong ang itinatanim ay pinya at blue berries, o ang taong kaya mong iterrorize na dapat ikaw lang ang pwedeng umani at mag-araro sa kanyang bukirin.
Bukod sa makteplace, meron ding Inn ang Farmtown kung saan ka pwedeng pumunta upang magliwaliw (mas mabuti kung saka ka na lang bumisita dito, kapag mayaman ka na), may bangko din dito. Meron ding store sa Farmtown gaya ng Farmville kung saan ka pwedeng bumili ng mga buto na siya mong itatanim, mga bahay, windmills at mga bagay na kakailanganin sa pagtratransform ng iyong bukirin patungong isang marangyang hacienda habang ika’y umaasenso sa Farmtown o Farmville.
Pakikisama at pagkakaisa ang parehong gustong ituro ng Farmtown at Farmville sa mga magsasaka nito. Sa Farmtown, mas madali kang yayaman kung iba ang aani, magdidilig at mag-aararo sa iyong bukirin. Sa Farmville naman, mas madali kang umasenso kung matulungin ka sa iyong kaibigan. Sa parehong laro, kailangan mong maging mabait sa mga trabahador upang palitan nila ito ng magandang serbisyo. Kung ikaw naman ang trabahador, kailangan mong maging mabuti sa kumuha sa iyo upang kunin ka ulit sa susunod.
Ang mga magsasaka sa Farmtown at Farmville ay nagkakaisa upang walang kasamang mabubulok sa level 0. Kaya lang, namumutawi din sa mga ito ang kasabihang, “Kailangan mo munang tulungan ang iyong sarili upang matulungan ka ng ibang tao. Magsumikap ka!” (Sa madaling sabi, lagi kang maglaro ng Farmtown o Farmville kung gusto mong maglevel-up)
Plants vs. Zombies
Mula sa pagiging magsasaka, subukan din nating maging hardinero.
Ang Plants vs. Zombies ay isang downloadable game mula sa Popcap Games. Dahil ito ay downloadable, maaari mo itong malaro sa kahit saang lugar na merong computer kahit na walang internet connection.
Walang bukirin sa larong Plants vs. Zombies. Ang kailangan dito ay ang wais na pagpili ng mga halamang dapat itanim upang mapatay ang mga zombing lumulusob sa bakuran ng iyong bahay.
Oo. Mga halaman ang pumapatay sa mga lumulusob na mga zombies.
Una, bibiyayaan ka ng management ng pangunahing kapital. Kailangan mong maging wais na tagapagbudget upang manalo sa larong ito. Ang mga dapat bilhin ay mga halaman.
Sunflower ang pinakamahalagang halaman sa larong Plants Vs. Zombies. Lumilikha kasi ito ng araw sa kalagitnaan ng paglusob ng mga zombies. Ang mga araw na nilikha ng mga sunflowers ang nakadadagdag sa kapital kaya mas dumadami ang mga halamang pwedeng bilhin upang itanim sa iyong bakuran. Isa sa madalas bilhin ay ang pitcher plant na bumubuga ng bala. Kung mas maraming sunflower, mas maraming nalilikhang araw, mas lumalaki ang kapital, mas maraming mabibiling pitcher plant, mas maraming halamang bumubuga ng bala, mas mabilis mamatay ang mga zombies.
Bukod sa sunflower na lumilikha ng araw at mga pitcher plants na bumubuga ng bala, pwede mo ring bilhin at itanim ang halamang-ugat na hindi na kailangang ibaon sa lupa. Imperative na dapat kainin at ubusin ng zombie ang halamang-ugat. Kailangang tumigil ng zombie upang ubusin ang halamang-ugat. Dahil dito, bumabagal ang kanyang paglusob at nagiging concentrated ang katawan ng zombie ng mga bala mula sa mga nakahilerang pitcher plant hanggang sa ito’y mamatay.
Hindi lang halaman ang pwedeng itanim sa larong Plants vs. Zombies. Pwede ka ding magtanim ng bomba. Ang pagtatanim ng bomba ay isang ispesyal na taktika kapag marami na ang lumulusob na mga zombies.
BABALA: Mag-ingat sa zombieng may ulong natatakpan ng balde. Matagal silang mapuruhan at mapatumba.
Pagsusuri at Pag-aanalisa
Positibo ang katamtamang paglalaro ng Farmtown, Farmville at Plants vs. Zombies sa kadahilanang bukod sa tinatanggal nila ang stress sa ating mga buhay, may mga aral din itong ibinabahagi sa atin. Gaya ng mga nabanggit na, tinuturuan nila tayong magbudget ng panahon at pera, magplano ng magagandang istratehiya upang makahanap agad ng trabaho, ang maging sociable, at ang magsumikap upang umasenso.
Kapag nasobrahan natin ang paglalaro, maliban sa nawawalan tayo ng pagkakataong isapraktika ang mga aral na dala nito, nakapagdudulot pa ito ng mga problema.
Una na dito ang carpal tunnel syndrome. Isa itong sakit sa mga buto at muscles ng kamay na nakukuha sa palagian, walang humpay at walang pahingang pagpindot sa keyboard at mouse ng kompyuter. Bukod sa sakit na dulot ng carpal tunnel syndrome, nagiging sagka din ito sa paggampan natin sa mga pang-araw-araw ng aktibidad gaya ng pagsusulat, pagsubo ng pagkain, pag-inom sa baso o tasa at iba pang gawaing ginagamitan ng kamay.
Pangalawa ay ang pagkakaroon ng problema sa mata dahil sa palagiang pagtutok sa harap ng monitor. Ayon sa allexperts.com, pwedeng magdulot ng Computer Vision Syndrome (CVS) ang palagiang pagharap sa monitor. Ang mga sintomas nito ay paglabo ng paningin, eyestrain, panghihina at pagsakit ng ulo. Ang CVS ay dulot ng kaibhan ng reaksyon ng mata at utak sa pagitan ng mga karakters sa kompyuter at ng mga naiprintang babasahin. Ang mga mata ay mas nahihirapang magfocus sa iskrin ng kompyuter monitor kesa sa papel kung saan naiprenta ang binabasa.
Pangatlo ay ang pagkulong natin sa ating mga sarili sa kaisipang “virtual” at ang paglayo sa konsepto ng realidad.
Realidad sa Likod ng Virtual Games
Namumulat ang mga manlalaro partikular sa Farmtown at Farmville sa kung paano ang buhay magsasaka “the idealistic way”.
Kung sa Farmtown at Farmville ay madaling magkaroon ng bukirin, sa realidad ay mahirap.
Ayon sa Food and Fertilizer Technology Center for the Asian and Pacific Region, ang Pilipinas ay isang agrikulturang bansa na may kabuuang lawak na 30 milyong ektarya. Ang lupain sa bansa ay nahahati sa dalawa bilang forest lands at alienable and disposable lands. Ang 15.8 milyong ektarya ay forest lands, samantalang ang 14.2 milyong ektarya ay mga alienable and disposable lands. Sa 14.2 milyong ektaryang alienable and disposable lands, 93% o 13 milyong ektarya ay agricultural lands.
Ayon sa bulatlat.com, sa pamamagitan ng Republic Act No. 6657, inumpisahan ng gobyerno noong 1988 ang Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP). Nilayon nitong mamahagi ng lupa sa 8.5milyong magsasaka na walang sariling lupa, mga tenants at mga manggagawang magsasaka upang sila’y palayain sa kuko ng landlordism at kahirapan. Pagkatapos ng 16 taon, nireport ng Department of Agriculture na nakapamahagi ito ng 3.4 milyong ektaryang lupain sa 1.9 milyong beneficiaries hanggang May 2004. Hinahangad muli nitong mamahagi ng 1.3 milyong ektaryang lupain sa susunod na apat na taon. Kung susumahin, meron pang 5.3 milyong magsasaka ang walang sariling lupain.
Pinapatotohanan lamang ng trahedya sa Hacienda Luisita kung saan 14 na tao kabilang na ang dalawang bata ang napatay habang marami ang nasaktan nang bagyuhin ng 1000 pulis at sundalo ang nag-aalsang 6,000 mangagawa sa plantasyon noong November 16, 2004 ang problema sa pagmamay-ari sa lupa sa ating bansa. Kabilang din dito ang taong-taong pag-rarally ng mga magsasaka sa tuwing sumasapit ang Peasant Week sa buwan ng Oktubre na madalas nahahantong sa madugong pag-didisperse ng mga raliyista.
Kung sa Farmtown at Farmville ay pwedeng maging tycoon ang sinumang magsasaka, sa realidad ito’y imposible. Madalas na kabaliktaran ang nangyayari sa realidad ng buhay magsasaka. Silang nagtatanim at nag-aani ang siya pang walang maiahin sa mesa. Ayon pa sa Ibon Foundation, tinatayang 2.3 milyong pamilya sa rural na umaabot sa 57 % ng kabuuang populasyon doon ang hindi kayang tustusan ang kanilang mga pangunahing pangangailangan.
Ang paghagupit ng tornado at hurricane sa mundo ng Farmtown at Farmville ay mas magaan tanggapin ng isang virtual farmer kaysa sa totoong magsasaka na nawalan ng kabuhayan dahil sa bagyo, sapagkat sa mga pananim lamang nito kayang panghawakan ang pag-asang muli niyang matutunghayan ang bukas na may laman ang sikmura kahit na kulang. Nitong mga nakaraang araw nga ay magkasunod ang paghagupit ng bagyong Ondoy at Pepeng. Bukod sa mga buhay na kinuha, malaki din ang naging epekto ng mga bagyong ito sa estadong pang-ekonomiya ng agrikultura. Ayon sa Business World Online, nag-iwan ng 8.35 bilyong pisong halaga ng pinsala sa agrikultura ang bagyong ondoy sa kalakhan ng Central Luzon. 100 milyong piso naman ang halaga ng pinsalang dala ng bagyong pepeng sa kalakhan ng Northern Luzon.
Hindi sapat sa isang estudyante ang magbuga lamang ng talino kapag nasa harap siya ng titser o nagbukas siya ng libro. Ang totoong talino ay ang pagsasapraktika ng mga pinag-aralan upang mapagbuti ang kalagayang kanyang kinapapalooban. Ang sabihing labas tayong mga estudyante sa labas ng kalagayan ng mga magsasaka ay hindi tama. Ito’y sapagkat sa pagkasira ng mga produktong pang-agrikultura, nagsimahalan ang presyo ng mga gulay. Siyempre, kapag nagmahal ang gulay, mapupurga tayo sa karne o di naman kaya ay mga de-lata. At dahil hindi sapat ang fiber intake natin, prone tayo sa constipation. Kapag constipated ka, hindi maganda sa pakiramdam, maaapektuhan ang iyong pag-aaral.
Sabi nga ng isang kanta, “ang lahat ng bagay ay magkaugnay, magkaugnay ang lahat”.
Ang unang hakbang ng pag-unawa natin sa kalagayan ng ating mg kababayang magsasaka ay malaking bagay na para sa kanila. Malay ba natin kung may estudyanteng ma-inspire sa mga kalagayan ng mga magsasaka at maging abogado balang araw na magtatanggol sa kanilang karapatan, di malaking bagay na din yon para sa kanila.
Sa katotohanang kalakhan ng lupa sa Pilipinas ay agricultural land, hindi naman talaga magkukulang ang mga Pilipino sa bigas kung alam ng gobyernong iprioritize ang sektor ng agrikultura (at huwag kurakutin ang pondo nito). Saan ka pa nakahanap ng agricultural country na gutom kahit sarili nitong magsasaka.
kay gamie’
hindi naman yung friutstand sa likod ang sinsabi ko. yung fruit stand sa left side ng barrels ang gusto kong iparating.
salamat nga pala sa pagpuna mo sa sinabi kong walang atmosphere at hindi binabagyo ang farmtown, dahil dun naalala ko ngang may point ka at mali ako.
naedit ko na yung part na yun.
salamat sa pagbabasa ng mga sinusulat ko at sa pagcomment. dahil dun, mas napag-iigihan ko pa ang mga gawa ko. salamat:)
Posted by adventurousscribe at November 6, 2009, 1:55 pmAll comments are moderated. Your comments will not appear here unless approved by the blog owner. Thank you.
sa farmtown, pumunta ka sa mga barrels para mapansin ka at hindi sa fruit stand sa likod na may nakatayong lalake na mainstay ng market.
binabagyo at tinotornado ang farmtown….pag open mo ng farmtown mo, may magpapop-up na kaibigan mu na hihingi ng tulong kasi nabagyo, natornado, o tinubuan ng peste ang farm niya..
hehehhee
tagalog na tagalog ka kapatid..kabibisita ko lang nitong farm, este blog mu….mganda rin ung parang backgroung mu…”stop con-ass chacha”/…heheheh
Posted by gamie at October 31, 2009, 11:39 am