Know what you want. Make a commitment for it. Go get it.


Home » Post Item » Tayo, Panahon,at Pagbabago

Tayo, Panahon,at Pagbabago

November 6, 2009

       Hindi ka pa rin nagbago.

       Napangiti ako nang nasulyapan kita kaninang umaga. Ikaw pa rin yung “Good Boy” na alaga ni Tita. Ikaw pa rin yung kilala kong uniko iho, yung tipo ng kaisa-isahang teddy bear sa kabinet ko; pinakaiingat-ingatan at pinakaaalagaan. Malinis ka pa rin manamit at walang pagbabagong naganap sa ayos ng iyong buhok. Modest ka pa rin kumilos. Seryoso pa rin ang marka ng mga linya sa iyong mukha. Gaya ng dati, madalang ka pa ring ngumiti. Siguro, masarap ka pa ring asarin tulad noon.

        Hindi na kita nagawang lapitan sa kinatatayuan mo upang kausapin at mangamusta dahil sa ibang direksiyon na ako dinala ng oras ko sa mga sandaling iyon.

        Halos walong taon na din ang lumipas. (Hala, ang tanda na natin!). Hindi na ulit kita narinig tumugtog ng drums. At siguro, nakalimutan mo na ako.

       Umalis ka raw nung nakauwi na ako at sumaglit sa inyong bahay. Si Tita ang aking naabutan. Nginitian niya ako bilang pagsalubong. Wala kong masasabi kay Tita. Isa siyang huwaran ; mabait, mapagmahal, maalaga at maunawain.

        Mala-gayuma pa rin ang lamyos ng kanyang mga mata. Mala-himig pa rin ang melodiya ng kanyang boses. Hindi ko nagawang ialis ang aking mga mata mula sa pagkakatitig sa kanya habang ako’y kanyang kinakausap. Para siyang diwatang nagdala sa akin sa sarili niyang kaharian sa mga sandaling sa amin lamang ang paggalaw ng orasan. Kasabay ng pagkaubos ng maikwekwento ko kay Tita ay ang pag-ubos ko ng buong chocolate roll at isang pitsel ng iced tea na inihain niya para sa akin.

       Noon lamang nasagot ang aking pagtataka kung bakit ni minsa’y di ka nagkwento ng pamamalo sa iyo ni Tita nung bata pa tayo samantalang madalas akong kumaripas ng takbo at magtago sa bakuran ng inyong bahay kapag hinahanap na ako ni Mama habang may hawak siyang stik na pamalo. Noon ko din napagtantong di dapat kita sisihin kung paanong hindi mo kayang tindigan ang mga bagay na talagang gusto mo sa buhay, kung bakit ka natatakot na baka masaktan mo siya para sa iyong sarili. Tama nga sigurong hindi ko na dapat kwestiyunin pa kung matuwid bang dapat isakripisyo ng isang anak ang panagarap na kinabukasan kung alam niyang doon siya makahahanap ng buhay na matatawag niyang “KANYA” para sa kaligayahan at pagmamahal ng kanyang ina.

        Lumalalim na din ang gabi. Hindi na ako yung batang pwedeng magpalipas ng gabi sa inyo kung hindi ko gustong umuwi sa amin. Nanatili man ang kung sino ka mula nang tayo’y magpaalamanan, may mga bagay sa pagitan natin na binago na ng panahon. Alam kong hindi na magiging gaya ng dati ang samahan nating dalawa. Mabuti na ring huwag magkrus ang mga landas natin.

       Magandang tinapos ng pamamaalam ang samahan natin noon. Kuntento na rin ako dun. Mas mabuting manatiling ganun na lang ang maiiwang ala-ala natin sa isa’t - isa.

       Ayokong masira ang kabanatang iyon ng buhay natin dahil sa pagtatalo para sa kung ano ang sa palagay natin ay tama at kung ano ang mali. Ayaw kong mag-away tayo dahil sa kaibhan ng mga sagot natin sa tanong na ano ang kailangan at ano ang dapat.

        Hindi na tayo magkatulad. Malaki na ang kaibhan natin.

        Hindi ako gaya mo, mabuting anak.

        Higit pa kasi doon ang gusto kong maging, Hindi ako nakukuntento sa pagsunod sa mga magulang upang maging mabuting anak. Higit pa sa pagsunod sa mga magulang ang tungkulin ng isang anak. May mga bahagi sa buhay ng isang anak na hindi kayang punan ng mga magulang. Kailangang hanapin ng anak ang bahaging iyon ng kanyang buhay upang malaman niya ang kahulugan nito. Isa ito sa mga importanteng tungkuling dapat gawin ng isang anak upang mabuo ang kanayang pagkatao. Sa lahat na maaaring ialay ng isang anak sa magulang, pinakapasasalamatan ng magulang ang magandang pagkakabuo ng pagkatao ng kanilang anak.

        Gusto kong maging ganap na tao. Yung hindi lang mabuting anak na pagmamay-ari ng mga magulang kundi mabuti ding tagapagsilbi sa lipunang siyang humubog sa akin at patuloy na magpapalaki at mag-aaaruga sa mga kabataang tangi niyang pag-asa upang matanaw ang liwanag ng umaga paglipas ng dilim na hatid ng mga pagsubok sa kanyang kasarinlan. Gusto kong makiisa sa pagtatayo ng lipunang hindi lang iilan ang masasaya at nabubuhay sa kaginhawaan. Sawa na ako sa pagtatanong sa sarili kung bakit at paanong nakakayang magpatuloy sa pagpapakasaya at pagwawalang–pakialam ang iba kung gayong nasa harap na nila ang nakapanghahapong kalagayan ng nakararami.

        Pareho tayong isinilang sa iisang mundo ngunit inilagay naman tayo ng panahon sa magkaibang dimensyon.

        Hindi ko na mapapabasa sa iyo ang mga tulang gawa ko. Hindi ko na rin maririnig ang mga kanta mo. Hindi na darating ang hinihintay kong araw na magagawa nating sabay ang magbiyahe at mamangha sa ganda ng sining at kultura ng iba’t-ibang lugar.

         Magkaiba na ang landas na pinagdadalhan sa atin ng takbo ng kanya-kanya nating orasan ngayon.

         Tuluyan na akong nagpaalam kay Tita at nagpasalamat sa pananatili niyang mabuti sa akin. Hindi na kita nahintay.  

       

Posted by adventurousscribe at 2:20 pm | permalink

All comments are moderated. Your comments will not appear here unless approved by the blog owner. Thank you.

Add a comment